15-19 age limit ng SK officials, ibalik – DILG

MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ibalik sa 15 hanggang 19 taong gulang ang age limit ng mga maaaring tumakbo sa Sangguniang Kabataan (SK).
Ayon kay Remulla, mas magiging angkop ang ganitong edad upang matiyak na ang mga halal na SK official ay tunay na kumakatawan sa sektor ng kabataan na kanilang pinaglilingkuran.
Sinabi ni Remulla na sa kasalukuyang age limit na 18 hanggang 29, maaaring mayroon nang trabaho, asawa, o sariling pamilya ang isang SK official pagsapit ng 28 o 29 taong gulang.
Binanggit din niya ang malaking agwat sa edad at responsibilidad ng mga maaaring tumakbo sa SK at sa ibang lokal na posisyon. Aniya, 23 taong gulang ang minimum age para tumakbo bilang gobernador, habang umaabot sa 29 ang kasalukuyang maximum age para sa SK.
Nais din ni Remulla na suriin ang fiscal autonomy ng SK dahil kailangan pa umanong palakasin ang kakayahan at kahandaan ng mga batang opisyal sa pamamahala ng pondo ng pamahalaan.
- Latest
















