Marami taon ang hangad sa piling ng asawa
Dear Dr. Love,
Ako po si Nena, 52 years old. Sumusulat po ako tungkol sa mister kong si Roger, 56.
Last year po na-mild stroke siya. Sabi ng doktor high blood at bawal na sa mabigat at pagbibilad sa araw. Pero ayaw po niyang tumigil sa pamamasada ng tricycle.
Sabi ko, “tay, pahinga ka na muna, kaya pa naman ng mga bata.” Nagagalit po siya at sinasabing pinanghihinaan ko raw siya bilang haligi ng tahanan.
Araw-araw po umuuwi siyang hingal, namumutla at masakit ang batok. Takot na takot po ako na baka isang araw hindi na siya magising.
Dr. Love, mahal ko po siya. Paano ko ba siya mapapapayag na makinig sa akin nang hindi kami nag-aaway? Gusto ko lang humaba pa ang buhay niya kasama kami.
Nena
Dear Nena,
Naiintindihan kita. At naiintindihan ko rin ang mister mo. Para sa kanya, ang pagtatrabaho ay pagkalalaki. Kapag pinipigilan mo siya, ang pakiramdam niya nawawalan siya ng silbi, kaya siya nagagalit.
Nena, tatlong bagay lang ang gawin mo. Una, lambingan mo, huwag mo siyang siga-wan. Imbes na “tigilan mo na kasi!”, sabihin mong “tay, natatakot lang ako. Gusto pa kitang makasama ng matagal. Paano na ako ‘pag nawala ka?” Kapag pagmamahal ang narinig niya, mas makikinig siya.
Pangalawa, bigyan mo siya ng bagong silbi sa bahay. Huwag mong iparamdam na wala na siyang kwenta.
Sabihin mo, ikaw na lang ang mamahala sa munting tindahan o sa pag-aayos ng bahay. Para ramdam pa rin niyang haligi pa rin siya, pero ligtas na.
Pangatlo, magsama ka ng kakampi. Kausapin mo ang mga anak mo at ang doktor sa center.
Mas maniniwala siya kapag doktor na mismo at mga anak niya ang nakiusap na magpahinga.
Nena, hindi mo kalaban ang asawa mo. Takot lang siya maging pabigat. Iparamdam mo na ang pagpapahinga niya ay hindi katamaran, kundi regalo niya sa inyo para mas tumagal pa kayo.
Yakapin mo siya mamaya pag-uwi. Minsan, yakap lang ang kailangan para gumaling.
DR. LOVE
- Latest



















