Cone dedma sa 2 talo ng Gilas sa tune-up games

MANILA, Philippines — Hindi ininda ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang dalawang beses na kabiguan ng kanyang bataan sa tuneup games nito laban sa South Korea.
Kasama ito sa preparasyon ng Pinoy cagers para sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan.
Para kay Cone wala pang dapat ipangamba dahil ang tunay na laban ay nasa Asian Games mismo.
Magandang pagkakataon ang mga pagkatalong ito ng Gilas dahil nalaman agad ni Cone ang mga kailangan pang plantsahin ng kanyang tropa.
Kaya naman binabalangkas na ni Cone ang magiging game plan nito bago sumalang sa Asian Games.
May ilang araw pa ito para masigurong preparadong preparado na ang Pinoy cagers sa title defense nito.
“We haven’t figured out how to best use the skills of our guys… yet. But me and our staff will be better and we’ll be better in helping our players prepare for what’s ahead. No need to panic,” ani Cone.
Ibang Gilas Pilipinas ang ipaparada ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa Asian Games.
Hindi ito ang parehong team na sumabak sa katatapos na fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na nanalo ng dalawang beses kontra sa Jordan at Iran sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ngunit malaki rin ang tiwala ni Cone sa kanyang tropa sa Asian Games dahil handa itong makipagbakbakan para depensahan lamang ang korona nito.
Mas matinding ensayo ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas sa huling mga araw ng training camp nito.
Magsisimula ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa Biyernes kung saan haharapin nito ang Bahrain.
Kasunod nito ang Kazakhstan sa Sabado at ang China sa Lunes.
Ang dalawang mangungunang teams sa bawat grupo ang aabante sa quarterfinals kaya’t importante ang bawat laro sa group stage.
- Latest

























