9-anyos todas sa bangga, 5-anyos utol at lolo sugatan
VIRAC, Catanduanes, Philippines — Patay ang isang 9-anyos na batang babae habang sugatan ang kanyang lolo at kapatid na 5-anyos matapos na mabangga habang bumababa sa sinasakyang motorsiklo sa harap mismo ng San Vicente Elementary School sa circumferential road ng Brgy. San Vicente sa bayan ng Virac, Catanduanes kamakalawa ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay dahil sa matinding pinsala sa katawan ang biktima na kinilalang si Elisse habang patuloy na inoobserbahan ang kanyang paslit na kapatid at lolo na si Mario, 58-anyos, pawang residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-7:15 ng umaga lulan ng kanilang motorsiklo inihatid ni Lolo Mario sa paaralan ang kanyang apong si Elisse at sumama ang isa pang apo. Gayunman, habang nakahimpil sa harap mismo ng paaralan at bumababa sa motorsiklo ang mga apo ay binangga sila ng rumaragasang pampasaherong jeep na minamaneho ng kinilala lamang na si Arnold.
Sa lakas nang pagkakabangga ay duguang tumilapon ang mga biktima. Mabilis na isinugod ng mga rumesponde ang mga biktima sa Eastern Bicol Medical Center, pero ideneklarang dead-on-arrival ang batang mag-aaral.
Hawak na ng mga pulis ang suspek na driver ng jeepney na nahaharap sa patung-patong na kaso. Sa imbistigasyon, inamin umano nito na nakatulog ito habang nagmamaneho dahilan para mawalan ng direksyon at nabangga ang mga biktima.
- Latest




















