2 Pinoy seamen patay sa Hormuz attack!
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang tripulanteng Pilipino ang nasawi matapos tamaan ng hindi pa tukoy na projectile ang Saudi-flagged crude oil tanker na M/V SIDR habang tumatawid sa Strait of Hormuz noong Agosto 31.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, may 16 Pinoy ang sakay ng naturang tanker na mula sa east coast ng United Arab Emirates at patungo sa direksyon ng Strait of Hormuz nang
atakihin ito sa bahagi ng karagatan ng Oman.
Nagkaroon ng sunog matapos ang pag-atake, ngunit agad ding naapula.
Sa kasamaang-palad, dalawa ang nasawi habang 14 ang ligtas at kasalukuyang naghihintay ng kanilang biyahe pauwi ng Pilipinas.
“Isa siyang crude oil tanker, at siya’y inatake ng still unknown projectiles that hit the ship as it was about to cross the Strait of Hormuz,” ani Cacdac.
Kaagad na nagpaabot ng pakikiramay si Cacdac sa pamilya ng mga biktima at personal na bumisita upang magbigay ng tulong pinansyal, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nagbabala rin ang DMW laban sa pagpapadala ng mga Pinoy seafarers sa Strait of Hormuz, na nananatiling nasa ilalim ng red alertat itinuturing na “war-like” at “high-risk zone” sa kabila ng umiiral na tigil-putukan.
Kasunod nito, agad inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno na tulungan ang pamilya ng dalawang Pinoy seafarers at ibigay ang lahat ng kailangan nila pati ang benepisyo, compensation, insurance.
Sinabi ni Palace press officer Atty. Claire Castro na nakikiramay ang Pangulo at ang administrasyon sa pamilya ng dalawang seafarers mula sa Cabuyao, Laguna at Daanbantayan, Cebu.
Tiniyak din niya na hindi pababayaan ng gobyerno ang pamilyang naiwan ng dalawang marino.
- Latest























