Eala atat bawian si Oliynykova sa US Open

MANILA, Philippines — Target ni Alex Eala na maipagpatuloy ang matikas na ratsada nito sa pagharap kay Oleksandra Oliynykova ng Ukraine sa second round ng US Open ngayong araw sa Louis Armstrong Stadium sa USTA Billie Jean King Center sa Flushing Meadows, New York.
Masisilayan ang engkuwentro nina Eala at Oliynykova sa alas-12:40 Huwebes ng tanghali sa New York (alas-12:40 ng Biyernes ng madaling araw sa Maynila).
Puntirya ni Eala na makaresbak kay Oliynykova na tumalo sa kanya sa opening round ng WTA 500 Strasbourg Open noong Mayo sa France, 6-3, 5-7, 3-6.
Sariwang-sariwa pa sa memorya ni Eala ang laban nila ni Oliynykova.
“It was a really good match. I mean, very intense and quite tight,” ani Eala.
Kaya naman gigil si Eala na makabawi sa pagkakataong ito lalo pa’t alam na nito kung paano maglaro ang Ukrainian netter.
Malaki na ang pinagbago ng laro ni Eala sapul noong nagharap sila ni Oliynykova na magagamit nito sa kanilang muling pagtutuos.
“I think looking back at that match, there are a lot of things that I could have done better and that I’ve been working on since then. It’s been a couple of months, and I think I’ve developed a lot in those months,” wika pa ni Eala.
Galing si Eala sa matamis na 6-1, 6-2 demolisyon laban kay Mary Stoiana ng Amerika sa opening round.
At ito ang parehong mindset na dadalhin nito sa oras na makasagupa nito si Oliynykova.
“So yeah, all I can do is come into that match with the same mindset as today—or even better than the mindset I’ve been having these past couple of weeks—and try to do my best,” ani Eala.
Nakapasok naman sa second round si Oliynykova matapos payukuin si Reese Brantmeir, 6-4, 6-4, sa first round.
Inaasahang muling dudumugin ng Pinoy fans ang stadium na may 14,000 seating capacity.
Malaki ang pasasalamat ni Eala sa mga supporters nito na patuloy na sumusubaybay sa kanyang mga laro sa kabila ng mataas na presyo ng tiket.
- Latest


























