Kampo ni Romualdez pumalag sa ‘mastermind’ tag ng Ombudsman

MANILA, Philippines — Pinalagan ng kampo ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang pagtawag sa kanya ng Ombudsman bilang “mastermind” sa kontrobersya ng flood control projects, na tinukoy nilang isang uri ng pre-judgement dahil hindi pa nasusuri ang ebidensya.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, legal counsel ni Romualdez, hindi makatwiran ang bansag na “mastermind” dahil hindi pa nagsisimula ang paglilitis at hindi pa nahihimay ang mga ebidensya.
“Sa amin pong appreciation, at kami ay nangangamba na dahil sa maraming pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay parang na-prejudge na, or parang meron nang konklusyon na nabuo, at hinahabol ang ebidensiya para lang masuportahan ’yung…legal conclusion na sa amin namang palagay ay wala nga,” ani Fajardo.
Sa isang liham na ipinadala sa Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hiniling ng kampo ni Romualdez na mag-inhibit ito sa kaso. Giit nila, ang mga pampublikong pahayag ng Ombudsman hinggil sa imbestigasyon ay nagiging anyo ng “trial by publicity.”
Ipinaliwanag ni Fajardo na ang preliminary investigation ang magtatakda kung may sapat na basehan para ituloy ang kaso sa korte.
Aniya, hindi bahagi ng tamang proseso ang pagbibigay ng pampublikong opinyon sa merito ng kaso bago pa man gumulong ang imbestigasyon.
Dagdag pa niya, nagbabago ang mga pahayag ng testigo at may mga ebidensyang hindi pa naibibigay sa depensa, kaya’t dapat manatili ang fairness at impartiality.
- Latest




















