Eala vs qualifier sa US Open 1st round

MANILA, Philippines — Isang qualifier ang makakalaban ni Alex Eala sa opening round ng US Open women’s singles na magsisimula sa Agosto 30 sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.
Hawak ni Eala ang No. 17 seed sa naturang Grand Slam event — ang pinakamataas na seed ng Pinay netter sa kanyang professional tennis career.
Kung mananalo ito sa opening round, makakasagupa ni Eala sa second round ang magwawagi sa pagitan nina Oleksandra Oliynykova ng Ukraine at Reese Brantmeier ng Amerika.
Nagharap na sina Eala at Oliynykova sa Round of 32 sa Strasbourg Open noong Mayo kung saan natalo ang Pinay netter sa iskor na 6-3, 5-7, 3-6.
Hindi pa naghaharap sina Eala at Brantmeier sa anumang WTA Tour game.
Nasa draw din ni Eala ang kaibigang si Iva Jovic ng Amerika na posible nitong makaharap sa third round gayundin si dating US Open champion Coco Gauff ng Amerika sa fourth round.
Nakaabang din sina French Open champion Mirra Andreeva ng Russia sa quarterfinals, world No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa semifinals at top seed Aryna Sabalenka ng Belarus sa finals.
Samantala, yumuko si Eala kay Jovic sa iskor na 3-6 sa kanilang exhibition match na Stars of the Open na ginanap sa Arthur Ashe Stadium kahapon.
Sa kalagitnaan ng laro, nag-usap sina Eala at Jovic para sa isang sorpresa.
Dinala ng dalawa ang kani-kanyang daddy sa court para sa isang doubles game dahilan upang mas lalong maghiyawan ang mga fans.
Dalawang beses nag-serve ang tatay ni Jovic — isang fault serve at isang good serve na hindi nakuha ng tatay ni Eala.
Nagkaroon pa ng maiksing rally ang mag-aama na natapos sa isang net fault shot ng ama ni Eala.
“I think the way I approach these things is to really focus on myself, and it’s a good exercise to switch back and forth between fun and really locked in,” ani Eala.
Para kay Eala, magandang pagkakataon ang ganitong exhibition lalo na kapag kasama ang isang mahusay na player na gaya ni Jovic para sa paghahanda nito sa US Open.
“In matches, normally I’m go, go, go, so it’s nice to let loose and have a little fun,” ani Eala.
Masayang natapos ang exhibition nina Eala at Jovic.
- Latest




















