‘Second placer rule’ sa lokal na halalan, ibinasura ng SC
MANILA, Philippines — Isinapinal na ng Korte Suprema ang desisyon na nag-aabandona sa tinatawag na “second placer rule” sa mga lokal na halalan.
Sa sesyon ng SC en banc, pinagtibay ng mataas na hukuman ang nauna nitong kautusan na nagbabasura sa apela ni Datu Pax Ali Mangudadatu, na una nang nakansela ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-gobernador ng Sultan Kudarat.
Ayon sa SC, sa ilalim ng Local Government Code, ang bakanteng posisyon na nalilikha dahil sa diskwalipikasyon ng nanalong kandidato ay dapat punan sa pamamagitan ng succession rules, hindi ng second placer rule. Sa kaso ni Mangudadatu, ang bise gobernador ang dapat humalili bilang gobernador.
Matatandaang dati ay pinahihintulutan ang second placer rule sa ilang election cases, kung saan ang kandidatong pumangalawa sa boto ay idinedeklarang panalo kapag napatunayang diskwalipikado ang nanguna. Gayunman, binigyang-diin ng SC na walang batas na nagbibigay awtoridad sa naturang doktrina.
Ipinaliwanag ng korte na ang kinikilala lamang ng Konstitusyon na halal na kandidato ay yaong nakakuha ng pinakamataas na boto. Kung ang nanalo ay napatunayang hindi kuwalipikado, nagkakaroon ng permanent vacancy na pinupunan sa pamamagitan ng succession.
“The second placer lost in the elections. He or she was not the choice of the people,” ayon sa SC.
Nilinaw ng hukuman na ang ruling ay limitado sa mga local elective positions na sakop ng Local Government Code. Para sa pangulo at bise presidente, ang paghalili ay eksklusibong saklaw ng Article VII, Sections 7 at 8 ng Konstitusyon na tumutukoy sa mga kaso ng diskwalipikasyon, pagkamatay, permanenteng kapansanan, pagbibitiw o pag-alis sa pwesto.
Dagdag pa ng SC, ang desisyon ay naaangkop sa mga pending cases, at muling iginiit na ang mga second placer ay walang vested right o entitlement na ideklarang panalo.
- Latest























