PAL-NNIC, bagong ayos sa NAIA
Mas malinaw na sistema at pananagutan ang gustong ipatupad sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos lumagda ang Philippine Airlines (PAL) at New NAIA Infra Corp. (NNIC) sa isang bagong kasunduan.
Tinawag na Airport Use Agreement (AUA) ang kasunduan na nagtatakda ng mga pamantayan at responsibilidad ng PAL at NNIC sa paggamit at pagpapatakbo ng mga pasilidad ng paliparan.
Ito ang unang standardized agreement na nilagdaan ng NNIC sa isang airline mula nang ito ang humawak sa operasyon ng NAIA.
Hindi lamang paggamit ng terminal at iba pang pasilidad ang saklaw ng kasunduan. May malinaw ding performance standards na kailangang sundin upang mas maging maayos ang serbisyo sa mga pasahero.
Kabilang dito ang check-in, boarding, baggage handling, ramp operations at paghahanda ng mga eroplano para sa kanilang susunod na biyahe.
Ayon kay NNIC President at CEO Ramon S. Ang, makatutulong ang kasunduan upang mas madaling masukat ang performance ng bawat panig at mabilis na matukoy kung saan nagkakaroon ng problema.
Mahalaga ito dahil magkakaugnay ang iba’t ibang proseso sa isang paliparan. Kapag naantala ang check-in, boarding o paghawak ng bagahe, maaari itong humantong sa pagkaantala ng flight at makaapekto sa mga susunod pang biyahe.
May nakapaloob ding mekanismo upang matugunan ang paulit-ulit na pagkabigong maabot ang mga napagkasunduang pamantayan.
Para naman kay Lucio Tan III, President at COO ng PAL Holdings, positibong hakbang ang kasunduan para sa PAL at NNIC, lalo na para sa mga pasaherong umaasa sa maayos at tuluy-tuloy na serbisyo sa NAIA.
Sinabi niyang bahagi ito ng patuloy na modernisasyon ng pangunahing paliparan ng bansa.
Mula nang kunin ng NNIC ang operasyon ng NAIA noong Setyembre 2024, nagsagawa na ito ng mga hakbang para mapahusay ang terminal facilities, airport systems, airfield infrastructure at mga pasilidad para sa mga pasahero.
Ngayon, pinalalawak ang modernization sa mismong sistema ng operasyon.
Layunin nitong magkaroon ng mas malinaw na koordinasyon sa pagitan ng airline, airport operator at service providers upang mabilis na maresolba ang mga problema.
Sa huli, hindi sapat na maganda at moderno ang paliparan kung sablay naman ang serbisyo.
Ang bagong kasunduan ay hakbang para magkaroon ng mas malinaw na pananagutan, mas maayos na operasyon at mas kaunting aberya para sa mga pasahero.
- Latest



















