EDITORYAL — Mineral ng Pilipinas, iba ang nakikinabang
MAYAMAN ang Pilipinas sa mineral. Ngunit matagal nang problema na hinuhukay ang yamang ito, ini-export bilang raw materials, at hinahayaang ibang bansa ang makalikha nang mas malaking halaga mula rito.
Ito ang gustong baguhin ng Executive Order No. 122 na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 21. Layunin nitong bumuo ng mas malawak na industriya para sa critical minerals, mula pagmimina hanggang processing, refining, manufacturing, at paggawa ng mga produktong ginagamit sa batteries, electric vehicles, electronics at clean energy.
Napapanahon ito. Tinatayang siyam na milyong ektarya sa bansa ang may potensiyal na mineral resources. Mayroon din tinatayang $170 bilyong nickel deposits at 4.8 milyong metric tons na nickel reserves. Ngunit malaking bahagi ng nickel ay ini-export pa rin ng ng bansa bilang raw ore.
Dito dapat magbago ang direksyon.
Kung dito nagmumula ang mineral, bakit hindi dito iproseso? Bakit hindi dito gawin ang batteries at components? Bakit hindi Pilipino ang makinabang sa skilled jobs, teknolohiya at mas malaking kita?
Magandang simula ang EO 122 dahil nagbibigay ito ng suporta sa domestic processing at value-added industries. Ngunit may puwang pa rin: hindi nito ipinagbabawal ang raw ore exports at wala ring malinaw na requirement para sa technology transfer at Filipino ownership.
Kasabay nito, hindi dapat maging dahilan ang industrialization para lumuwag ang regulasyon.
Paalala ang nangyari sa Sanjia Steel sa Misamis Oriental. Isinara ng DENR ang planta matapos makakita ang mga awtoridad ng radioactive uranium at thorium sa raw materials nito. May mga steel product din na tinukoy na substandard at “structurally risky.”
Ipinakikita nito na hindi sapat ang basta pagtatayo ng processing plants. Kailangang mahigpit ang pagpapatupad ng environmental, labor at safety standards.
Hindi kailangang mamili ang Pilipinas sa pagitan ng pagmimina at pangangalaga sa kalikasan. Ang kailangan ay industriyang responsable at mas malaking bahagi ng kita ang nananatili sa bansa.
Huwag tayong makuntento bilang tagahukay ng yamang pinakikinabangan nang higit ng iba.
Ang tunay na sukatan ng EO 122 ay hindi kung gaano karaming mineral ang mahuhukay, kundi kung gaano karaming halaga, trabaho at oportunidad ang mapapakinabangan ng Pilipinas.
- Latest
















