Gilas hahasain pa ni Cone

MANILA, Philippines — Target ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na hasain pa ang kanyang bataan para masigurong nasa magandang kundisyon ito para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nanalo ang Gilas Pilipinas sa tuneup game nito kontra sa Korean basketball League team Ulsan Hyundai sa pamamagitan ng 81-76 panalo sa SMC gym sa Pasig City.
Ngunit hindi pa kuntento si Cone sa inilaro ng kanyang bataan.
Marami pa aniyang kailangang plantsahin para matiyak na solido ang galaw nito bago ang FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Agosto 28.
“We didn’t play well. Finetuning still needs to be done in the coming days,” ani Cone.
Nasilayan sa tuneup game si Kai Sotto — ang kanyang unang laro kasama ang Gilas.
Huling naglaro si Sotto suot ang Gilas Pilipinas jersey noon pang Nobyembre 24, 2024 nang makasagupa ng Pinoy squad ang Hong Kong sa FIBA Asia Cup Qualifiers.
Malaki ang magiging papel ni Sotto sa Gilas.
Bukod sa depensa, maaasahan din ito sa opensa at assist para mas lalong palakasin ang tsansa ng Pinoy cagers sa qualifiers.
Aminado si Cone na hindi magiging madali ang mga laban nito sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifers.
Palaban ang Jordan at Iran sa unang dalawang teams na makakasagupa nito sa second round.
Una ang Jordan sa Agosto 28 kasunod ang Iran sa Agosto 30 na parehong lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Naglaro ang Jordan sa Jones Cup sa Taipei, Taiwan bilang preparasyon nito sa qualifiers.
Dumating naman na sa Pilipinas ang Iran para makaagapay sa klima gayundin sa body clock ng mga ito.
- Latest
























