^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Maayos na sistema at pamamahala sa baha

Pilipino Star Ngayon

SA loob ng ilang linggong malakas na pag-ulan dulot ng habagat, muling naharap ang Metro Manila sa dati nang problema: baha.

Noong Agosto 19, inihayag ni President Fer­dinand Marcos Jr. ang planong pag-aralan ang pagtatayo ng underground cisterns sa 30 lokas­yon sa Metro Manila. Ginawa niya ang anunsiyo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) command center.

Layunin ng mga cistern na magsilbing pansa­mantalang imbakan ng tubig-ulan upang mabawasan ang pagbaha sa mga lugar na mada­ling lumubog sa tubig.

Kapansin-pansin ang ganitong hakbang dahil­ karaniwan nating iniisip ang flood control sa isang paraan lamang: kung paano pinakamabilis na mailalabas ang tubig baha.

Patuloy naman ang ibang hakbang ng pama­halaan, kabilang ang paglilinis at pagpapalawak ng drainage systems, dredging ng mga ilog at waterways, at paggamit ng pumping stations.

May mga mobile pump din na maaaring ilipat sa mga lugar na higit na nangangailangan.

Pero habang nagbabago ang panahon at mas madalas nating nararanasan ang matitinding pag-ulan, baka panahon na ring baguhin ang paraan ng pagtingin natin sa tubig-ulan.

Hindi lamang ito problemang kailangang itulak palayo sa mga komunidad. Maaari rin itong maging resource na kailangang pamahalaan.

Kung maayos na makokolekta at maiimbak ang tubig, maaari itong magamit sa mga gawaing hindi nangangailangan ng malinis na inuming tubig.

Sa ganitong paraan, ang flood-control stra­tegy ay hindi lamang tungkol sa pagpapahupa ng tubig sa kalsada. Maaari rin itong maging bahagi ng mas malawak na water-management system ng lungsod.

Siyempre, hindi sapat ang underground cis­terns lamang. Kailangan pa rin ang maayos na drainage, pumping stations at regular na main­tenance. Kailangan ding tiyaking ang mga pro­yekto ay maingat na pinag-aralan at akma sa aktuwal na pangangailangan ng bawat lugar.

Ngunit magandang simula ang pagbabago ng pananaw.

Sa halip na laging isipin kung paano pinakamabilis na aalisin ang tubig, maaari nating pag-isipan kung paano ito kokontrolin, iimbakin at, kung posible, muling gagamitin.

Dahil sa isang lungsod na paulit-ulit na bina­baha, hindi sapat na pababain ang tubig. Kailangan din na matutuhang pamahalaan ito nang maayos na sistema.

BAHA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with