Gilas Boys giniba Syria, pasok sa Top 8

MANILA, Philippines — Swak na sa Top 8 ang Gilas Pilipinas boys matapos kaldagin ang Syria, 72-63, sa qualification para sa quarterfinals ng 2026 FIBA U18 Asia Cup kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.
Binura ng Gilas ang maagang 7-point deficit at lumamang pa ng hanggang 11 puntos sa crunch time upang malagpasan ang hamon ng Syrians at makaabante sa quarterfinals kontra sa higanteng China.
Nakataya sa duwelo ang tiket sa semifinals at sa 2027 FIBA U19 World Cup para sa ikalawang sunod nitong World Cup matapos ang Final Four finish ng U16 team noong 2023 upang makapasok sa 2024 FIBA U17 World Cup.
Nagposte ng 18 puntos, 3 rebounds, 2 assists, 2 steals at 1 tapal si George Aidan Green upang giyahan ang mga manok ni coach Juno Sauler.
Umalalay sa kanya sina Jan Bennet Cagurungan at Lino Tubongbanua na may 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang nag-ambag din ng tig-8 puntos sina Ethan Mathew Aguas at Luke Edward Atacador.
Kagagaling lang sa 2-1 kartada sa Group A ang Gilas para sa No. 2 seed subalit muntikan pang masilat ng Syria na nagtapos sa tersera puwesto sa Group B.
- Latest




















