Ateneo shooter ‘depressed’ sa grades

MANILA, Philippines — Dumaranas umano ng depresyon sa pagbaba ng grades ang Grade 9 student na si Mohammad Mael Jalani, anak ng Customs port chief sa Zamboanga, na namaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University (ADZU) Junior High School nitong Martes.
Ayon kay Mayor Khymer Adan Olaso, bagaman honor student si Jalani, may hinahabol itong grades na bumaba. “So ’yung motive niya is ’yung teacher. Parang ’yun ang gusto niyang gantihan,” pahayag ni Olaso hinggil sa posibleng motibo ng krimen. Lumilitaw rin na panatiko siya ng Roblox at nagsuot ng body camera, at nag-livestream habang namamaril.
Batay sa imbestigasyon, may dalang rifle at pistol ang suspek. Una niyang binaril ang guro ngunit sumablay, bago napatay si Patrick Dylan Wee, Grade 10, sa ika-apat na palapag. Pagkatapos ay nagbaril siya sa sarili sa ikalimang palapag.
Nabatid na kinuha ng bata ang baril sa sasakyan ng ama matapos ihatid ng driver. Kinumpirma ng BOC na isa sa ginamit na baril ay opisyal na inisyu sa ama.
Kaagad namang sinuspinde ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang ama ng suspek para sa imbestigasyon. Nilinaw ni Nepomuceno na nauunawaan niya kung bakit nasa sasakyan ang baril dahil delikado ang lugar at kinakailangang armado ang mga tauhan ng BOC.
Bagaman inilarawan niya itong mahusay na opisyal, iginiit ni Nepomuceno na kailangan pa ring panagutin sa kapabayaan.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng pagkukulang ng ADZU sa seguridad, matapos na mailusot ng suspek ang mga armas na ginamit sa pamamaril at sa kaniyang pagpapakamatay. — Mer Layson
- Latest


















