‘Culture of violence’ wag ipamana sa kabataan

Kapunan kay VP Sara
MANILA, Philippines — Nagbabala si private prosecutor Lorna Kapunan laban sa umano’y kultura ng karahasan na pamana ng pamilya Duterte, kasabay ng babala na si Vice President Sara Duterte ay delikadong makaimpluwensya sa kabataan sa pamamagitan ng bayolenteng pahayag imbes na magpakita ng leadership by example.
“Hindi lang ang Vice President ang sinasabi kong responsible. I am saying that she certainly is contributing to the problem and not to the solution,” ani Kapunan sa isang online press briefing.
Ginawa ni Kapunan ang pahayag matapos ang madugong insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) sa Brgy. Tumaga, Zamboanga City nitong Lunes, na ikinasawi ng dalawang junior high school students kabilang ang mismong gunman.
Ayon kay Kapunan, dapat masusing suriin ang trahedya sa konteksto ng mga nakikita ng kabataan mula sa mga lider pampulitika na kanilang iniidolo.
“’Yun ang default reaction ng ating Vice President — mag-hire ng assassin, mag-press conference, magbanta. That cannot be the leadership example of a high public official,” giit niya, kaugnay ng pahayag ni Duterte na P5,000 lang ang halaga para mag-hire ng assassin sa Pilipinas.
Binanggit ni Kapunan ang pattern ng karahasan sa dalawang henerasyon ng pamumuno ng mga Duterte — mula sa extrajudicial killings sa war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, hanggang sa mga pahayag ni VP Sara kabilang ang umano’y banta ng assassination laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Si dating Pangulong Duterte ay nahaharap sa kaso sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng libu-libong nasawi sa anti-drug campaign, habang si VP Sara naman ay kasalukuyang nililitis sa Senate Impeachment Court.
- Latest























