Teodoro: China nireresbakan mga Pinoy

MANILA, Philippines — Mariing binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang pamahalaan ng China ay gumagamit ng mga Pilipino bilang target ng kanilang pagresbak kaugnay ng paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at sa pagbunyag ng harassment at pambu-bully ng Chinese Coast Guard.
Ayon kay Teodoro, ang huling banta ng Beijing ay hindi lamang laban sa kanya bilang opisyal ng gobyerno kundi laban sa buong populasyon ng mga Pilipino. Ito ay matapos ang pag-aresto ng China noong Agosto 10 sa mahigit 100 OFWs na inakusahan ng illegal employment at overstaying—na tinawag ng Kalihim na “plain and simple extortion and blackmail.”
Binanggit ni Teodoro na ginagawa ito ng Beijing upang ma-pressure ang pamahalaan matapos ang NBI raid sa isang steel manufacturing facility sa Tagoloan, Misamis Oriental. Sa naturang operasyon, nasakote ang 69 Chinese nationals at isang Pilipino dahil sa pagmamanupaktura ng substandard na bakal. Ipinasara ang kumpanya matapos mapatunayang lumalabag sa environmental at safety standards.
“The plain and simple answer is yes—unless Chinese officials consider the regurgitation of substandard, radioactively tainted steel, the destruction of the environment by dumping untreated, polluted water into rivers, and the release of untreated toxic fumes to be legitimate practices,” giit ni Teodoro.
Dagdag pa niya, ang mga ebidensya laban sa naturang kumpanya ay “indisputable and legally admissible,” dahil nakalap ng mga awtoridad sa bisa ng mga search warrant na inilabas ng korte ng Pilipinas.
- Latest
























