Remulla, Trillanes tetestigo sa ‘unexplained wealth’ ni Sara

MANILA, Philippines — Tetestigo si dating Senador Antonio Trillanes IV, Ombudsman Jesus “Crispin” Remulla, at mahigit 20 pang opisyal kaugnay ng umano’y unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Senate impeachment court.
Ayon kay House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, handa na ang prosecution panel sa pagbusisi sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte at sa kanyang asawa, Atty. Mans Carpio. Nasa higit 1,800 dokumentong ebidensya ang kanilang hawak at may 25 potensyal na testigo sa lineup.
Bukod kay Trillanes, kabilang sa mga testigo si Ombudsman Remulla o kinatawan ng kanyang tanggapan, pati na rin ang mga opisyal mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Securities and Exchange Commission (SEC).
“Ayoko namang pangunahan iyong team kung sino o ano iyong order of witnesses, pero Trillanes is coming,” ani Deputy Speaker Paolo Ortega V, isa sa mga endorser ng impeachment complaints. Giit niya, ang pagbusisi sa unexplained wealth ang pinakamabigat na bahagi ng kaso.
Sisikapin ng prosekusyon na patunayan na si VP Duterte ay nagkamal umano ng yaman na hindi tugma sa kanyang suweldo at kita ng negosyo nila ni Carpio. Inihayag ni Chua na sa 25 testigo, 10 ang mga prominenteng personalidad na uunahing iprisinta.
Sa rekord ng panel, ang SALNs ni Duterte mula 2019 hanggang 2024 ay nakapaloob sa ebidensya. Sa 2024 SALN, idineklara lamang niya ang net worth na P88.5 milyon at “zero cash on hand” sa mga bangko.
Ang presentasyon ng ebidensya at testimonya ay pangungunahan nina prosecutor Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Partylist at Atty. Chel Diokno ng Akbayan Partylist.
- Latest





















