Credit card modus gamit pekeng upgrade, rewards

MANILA, Philippines — Nagbabala ang PNP Anti-Cybercrime Group laban sa mga modus na gumagamit ng pekeng tawag, text, o email upang makuha ang sensitibong impormasyon ng mga credit card holder.
Ayon sa PNP-ACG, nagpapakilala ang mga suspek bilang kinatawan ng bangko o service provider. Sasabihin nila sa biktima na kailangang i-upgrade o i-verify ang credit card, may nakuhang rewards o credit points, o may nagtangkang gumamit ng account.
Gumagamit sila ng social engineering upang makuha ang tiwala ng target bago magpadala ng phishing link. Kapag na-click ang link, dadalhin ang biktima sa pekeng website na kahawig ng opisyal na site ng bangko. Hihingan ng sensitibong impormasyon gaya ng OTP at CVV na ginagamit para makumpleto ang pekeng “upgrade” o “verification.”
Binalaan ang publiko na huwag ibigay ang OTP, CVV, at iba pang sensitibong impormasyon sa mga hindi awtorisadong tao. Paalala rin na mag-ingat sa mga hindi kilalang numero, email address, at mga link na ipinadadala online upang maiwasan ang credit card fraud.
Bukod dito, nagbabala rin ang PNP-ACG laban sa mga nagpapakilalang pulis na nanghihingi ng donasyon para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Pinaalalahanan din ang publiko laban sa fund recovery scam, kung saan ang mga nabiktima ng online fraud ay muling naloloko sa pamamagitan ng AI-generated ads na nagsasabing maibabalik ang kanilang pera.
“Wala kaming kaugnayan sa anumang fund recovery service. Huwag maniwala sa mga post o advertisement na nag-aalok ng fund recovery upang maiwasan ang double whammy o re-victimization,” diin ng PNP-ACG.
- Latest




















