Cruz ipaparada ng PLDT vs Akarii

MANILA, Philippines — Ipaparada ng nagdedepensang PLDT si opposite hitter Leila Cruz sa pagsagupa sa Akari sa pagpapatuloy ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour sa Mindanao Civic Center Gymnasium sa Tubod, Lanao del Norte.
Magtutuos ang High Speed Hitters at Chargers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Nxled Chameleons at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon.
Solo ng ZUS Coffee ang liderato bitbit ang 2-0 baraha kasunod ang Nxled (2-1), PLDT (1-0), Creamline (1-0), Akari (1-1), Galeries Tower (1-1), Farm Fresh (0-1), Choco Mucho (0-1) at Capital1 Solar Energy (0-1).
Bukod kay Fil-Canadian Savi Davison ay makakasama ni Cruz sa High Speed Hitters sina La Salle alumnae Kim Kianna Dy, Kim Fajardo, Majoy Baron, Mika Reyes at Jessa Ordiales.
“Napili ko ‘yung PLDT because I feel like super mahe-help nila ako talaga mag-improve,” ani Cruz na nagmula sa Solar Spikers. “Siyempre, big factor din na champion team sila, so super grateful ako na talagang kinuha nila ako na part ng family nila.”
Umiskor ang PLDT ng 25-21, 20-25, 29-27, 25-18 panalo sa Choco Mucho sa una nilang laro noong Hulyo 25 sa Vigan City, Ilocos Sur.
Tinalo rin ng Akari ang Choco Mucho, 27-25, 27-25, 21-25, 25-22, sa huli nilang laban noong Agosto 1 sa Polomolok, South Cotabato.
Samantala, nakakuha na si Jaja Santiago (Sachi Minowa) ng kanyang professional license mula sa Games and Amusements Board (GAB) para muling makalaro sa PVL.
Lalaro si Santiago sa Creamline sa darating na 2026 PVL Invitational Conference bago ang kanyang US debut para sa San Francisco Signal sa League One Volleyball sa Enero ng 2027.
- Latest






















