QC NBI Satellite Office, makatao!
MAY mga lugar na pumapasok ang isang tao na may dalang kaba, pagod at mahabang pasensya pero lumalabas na may dalang magandang kuwento. Ganoon ang karanasan ng ilang kumukuha ng NBI Clearance Satellite Office sa QC City Hall.
Sa unang tingin pa lang, kapansin-pansin na ang kalinisan at kaayusan ng lugar. Walang kalat na kung saan-saan, maayos ang pila at kapansin-pansin ang disiplina ng mga tao. Pero higit pa sa pisiakal na ayos ng lugar ang isang bagay na tunay na nakaaapekto sa mga kumukuha ng clearance: kung paano sila tratuhin ng mga empleyado.
Sa halip na salubungin ng masungit na mukha o sagot na parang kasalanan pa ng aplikante ang magtanong, may mga empleyadong handang magpaliwanag at tumulong.
Isa sa kapansin-pansin dito si Arnold Opena, na walang sawang tumulong sa mga kumukuha ng clearance. Sa rami ng taong araw-araw na kailangang asikasuhin, hindi madaling panatilihin ang mahabang pasensya. May paulit-ulit na tanong, may nalilito sa proseso, may kulang ang dala at may mga aplikanteng unang beses pa lamang dumaan sa ganitong proseso. Pero sa halip na pagalitan o iparamdam na istorbo ang nagtatanong, ipinapakita ni Opena ang simpleng bagay na madalas hinahanap ng publiko: maayos na pakikitungo.
At dito pumapasok ang papel ng kanyang amo na si Atty. Raul Angeles. Dahil kung maayos ang pamamalakad sa ibaba, malaki ang posibilidad na may malinaw ding direksiyon mula sa itaas. Ang isang lider ay hindi lang nasusukat sa rami ng kautusang naibibigay niya, kundi sa uri ng serbisyo na nararanasan ng mga taong nasa mismong harapan ng kanyang mga tauhan.
Sa QC City Hall, makikita na ang disiplina ay hindi kailangang samahan ng paninigaw. Ang pagiging propesyonal ay hindi nangangahulugang pagiging malamig. At ang pagsunod sa proseso ay puwedeng gawin nang may respeto at malasakit sa kapwa.
Para sa isang ordinaryong mamamayan na ilang oras nang nakapila, malaking bagay na ang isang empleyado ay ngumiti, magpaliwanag at tumulong kaysa dagdagan pa ang bigat ng kanyang araw.
Minsan, hindi naman hinihingi ng tao ang espesyal na trato. Gusto lang niyang tratuhin siyang tao. At kapag nakita mo ang isang opisina na malinis, maayos, disiplinado at may mga empleyadong marunong makitungo, hindi mo maiwasang mapaisip, na ganito pala kapag ang serbisyo publiko ay talagang serbisyo.
Hindi ito tungkol sa isang clearance lamang. Ito ay tungkol sa isang simpleng mensahe na dapat makita sa bawat tanggapan ng gobyerno:
Hindi kailangang maging mahirap ang pagkuha ng serbisyo para maramdaman mong ikaw ay isang mamamayan. Kaya sa mga napapadaan at kumukuha ng NBI Clearance sa QC City Hall, sana’y mapansin din ninyo ang mga taong nasa likod ng maayos na proseso. Mga empleyadong tahimik na nagtatrabaho, paulit-ulit na sumasagot sa tanong, tumutulong sa nalilito at patuloy na nakikitungo nang maayos kahit pagod na.
Dapat silang kilalanin. At higit sa lahat, dapat silang tularan.
- Latest















