Lubak sa EDSA, imbestigahan!

Rehab wala pang 1 taon
MANILA, Philippines — Nais ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na imbestigahan ang rehabilitation at repair ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) matapos muling lumitaw ang mga lubak sa mga bagong ayos na bahagi ng highway kasunod ng malakas na ulan dulot ng habagat.
Sa ilalim ng Senate Resolution 594, inatasan ni Lacson ang Senate Committee on Public Works na magsagawa ng inquiry in aid of legislation upang rebyuhin ang pamantayan sa disenyo at engineering at matiyak ang pananagutan sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Ayon sa resolusyon, “persistent southwest monsoon rains have drenched parts of Luzon, including Metro Manila; damaging several main thoroughfares, including recently rehabilitated sections of EDSA. The presence of fresh potholes means the newly repaired avenue will already require another round of maintenance.”
Binanggit ni Lacson na ang mabilis na pagkasira ng bagong rehabilitated na kalsada ay nagpapakita ng “deep-seated flaws” sa planning, design, construction, at management ng high-cost public projects.
Noong Disyembre 2025, inanunsyo ni DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon ang pagsisimula ng proyekto gamit ang advanced Japanese road technology na inaasahang magpapabilis sa repair timelines, magtitiyak ng mas matibay na road surface, at magpapababa ng gastos mula P17 bilyon tungo sa P6 bilyon.
Nang inspeksyunin ni Dizon ang mga bagong rehabilitated na bahagi kung saan lumitaw ang mga lubak, nasabi nito: “Dapat na-anticipate natin ito ah. Barado eh, oh?” — na ayon kay Lacson ay sumasalamin sa galit ng publiko, lalo’t nangako ang pamahalaan ng “complete rehabilitation” gamit ang modern, durable technologies.
Maging noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, itinuro na ni DPWH Sec. Rogelio Singson na ang tubig ang pangunahing kalaban ng aspalto, at kung walang mahusay na drainage system, mabilis na nasisira ang kalidad ng mga kalsada.
- Latest




















