Obet pumasok sa PAR, lalabas din agad

MANILA, Philippines — Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Obet (international name: Saudel) ala-1:20 ng hapon nitong Lunes, Agosto 24.
Alas-5 ng hapon, namataan si Obet sa layong 1,350 kilometro silangan-hilagang silangan ng extreme northern Luzon. Kumikilos ito pa-kanlurang hilaga sa bilis na 30 kph. Taglay nito ang lakas ng hangin na 165 kph at pabugso hanggang 205 kph.
Ayon sa PAGASA, mananatili si Obet sa Philippine Sea at inaasahang lalabas ng PAR Lunes ng gabi o Martes ng umaga, Agosto 25.
Bagamat hindi direktang tatama sa bansa, palalakasin ni Obet ang Habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang panig ng Luzon, Visayas, Northern Mindanao, Dinagat Islands, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Ngayong Martes, Agosto 25 magkakaroon ng pag-ulan sa Luzon, Visayas, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Sultan Kudarat, Davao Occidental, at Davao Oriental.
- Latest























