Caregiver ninakawan ang inaalagaang lolo, arestado
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang caregiver matapos na madiskubreng pinagnakawan ng pera at alahas ang kanyang alagang lolo na isang person with disability (PWD) sa pamamagitan nang pagpapalit ng blankong papel sa perang nasa loob ng bag nito, sa Barangay San Antonio, Makati City.
Ang suspek na si alyas “Jen” ay nakakulong na at sinampahan ng kasong qualified theft sa piskalya matapos na ireklamo ng pamilya ng biktima na isang 77-anyos na PWD.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), alas-7:00 ng umaga ay naisipan umano ng pamilya na i-check ang laman ng bag ng biktima at dito ay nadiskubre na ang perang nasa isang brown envelope ay pinalitan ng suspek ng mga blangkong papel, na maingat nitong ginupit at ibinalot ng scotch tape upang magmukhang tunay na salapi.
Nang kumprontahin ng pamilya, napaiyak na lamang umano ang caregiver at umamin sa krimen.
Upang ipakita ang pagsisisi, kaagad rin umanong nag-transfer ang suspek ng P15,000 na pera sa GCash ng complainant at isinurender din ang kanyang iPhone.
Subalit, ipinaaresto pa rin siya ng pamilya ng biktima alas-8:40 ng gabi nang bigong maibalik ang kabuuang halaga ng asset na kanyang ninakaw na umaabot na ng P594,787, kabilang na ang P294,787 na cash at mga gintong bracelet at singsing na tinatayang nagkakahalaga naman ng P300,000
- Latest




















