DOLE pinagmumulta si Baldwin, Ateneo ng P4. milyon

MANILA, Philippines — Pinagmumulta ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng P4.9 milyon bilang administrative fines ang Ateneo de Manila University (ADMU) at si ADMU men’s basketball Coach Thomas Anthony A. Baldwin dahil paglabag sa employment laws.
Sa desisyon ng DOLE, lumitaw na nagtrabaho si Baldwin sa Ateneo mula Disyembre 1, 2015 hanggang Setyembre 28, 2016 nang walang Alien Employment Permit (AEP). Dahil dito, pinagbabayad si Baldwin ng P10,000, habang kapwa pinagmulta rin ng P10,000 ang nasabing unibersidad dahil sa pag-empleyo sa kanya nang walang AEP.
Nakita rin ng DOLE na nabigo si Baldwin na kumuha ng kinakailangang Certificate of Exemption para sa kanyang sumunod na trabaho. Bunsod nito, pinagmulta si Baldwin ng P4.9 milyon para sa 490-araw na panahon mula Pebrero 10, 2025 hanggang Hunyo 15, 2026, o P10,000 kada araw.
“Jointly and solidarily liable rin ang Ateneo de Manila University sa naturang P4.9-milyong multa,” bahagi ng desisyon ng DOLE.
Iniutos din ng DOLE na i-refer ang kaso sa Bureau of Immigration para sa summary deportation proceedings laban kay Baldwin, nang hindi naaapektuhan ang iba pang civil, administrative o criminal complaints na maaaring nakabinbin laban sa kanya.
Ayon naman kay Labor Secretary Francis Tolentino, kailangan munang harapin ni Baldwin ang posibleng criminal charges na isasampa laban sa kanya.
Mayroon umanong 30 araw sina Baldwin at ADMU para bayaran ang ipinataw na administrative fines ng DOLE kasabay ng rekomendasyon ng deportation ni Baldwin.
Kung hindi tutuparin ni Baldwin at naturang unibersidad ang kanyang obligasyon sa multa, maaaring ang Ateneo ang humarap sa kaukulang problema sa Commission on Higher Education o CHED dahil sa non-compliance.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng DOLE sa work permit at labor law compliance ni Baldwin matapos ang kontrobersyal na team-building drowning incident na kinasangkutan ng Ateneo men’s basketball team sa Aurora.
- Latest
















