3 mobile flood pumps ikinalat sa Las Piñas

MANILA, Philippines — Tatlong Mobile Flood Mitigating Pumps (MFMPs) ang ipinakalat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Zapote Junction, Las Piñas upang makatulong na mabawasan at mapabilis ang pag-alis ng tubig-baha sa lugar tuwing malakas ang pag-ulan.
Personal na pinangunahan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang turnover ng mga kagamitan kina Las Piñas Representative Mark Anthony Santos at Mayor April Aguilar. Ang tatlong diesel-operated pumps ay may tig-7.5 horsepower at magsisilbing karagdagang pumping capacity sa lugar.
Ayon kay Santos, malaking tulong ang mga pump sa mga residente, motorista, commuter at negosyo na madalas maapektuhan ng pagbaha sa Zapote Junction, na isa sa mga pangunahing transportasyon at commercial areas ng lungsod.
Gayunman, binigyang-diin ni Santos na pansamantalang suporta lamang ang mga mobile pumping units at hindi kapalit ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha. Kabilang dito ang pagpapahusay ng drainage system at mga daluyan ng tubig, regular na paglilinis at maintenance, at maayos na pagpaplano ng flood-control projects.
Bahagi ang deployment ng MFMPs ng patuloy na flood-mitigation efforts ng DPWH sa mga lugar na madaling bahain. Inaasahang magagamit ang mga kagamitan para sa agarang pagtugon kapag tumataas ang tubig sa loob at paligid ng Zapote Junction.
- Latest



















