10K iskul nagsuspinde ng klase sa habagat
MANILA, Philippines — Sinuspinde ang face-to-face classes sa mahigit 10,000 pampublikong paaralan nitong Lunes, Agosto 10, dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon sa Department of Education, apektado ang 6.5 milyong mag-aaral at halos 289,000 kawani mula sa 61 division sa walong rehiyon. Pinakamaraming naapektuhan sa Central Luzon – 3,546 paaralan; Region I (2,428); Cordillera Administrative Region (1,842); National Capital Region (827); Calabarzon (623),
Hindi bababa sa 722 paaralan ang nasira dahil sa kombinasyon ng Habagat at Bagyong Maymay.
Tinatayang P20 milyon ang kailangan para sa paglilinis, habang umabot na sa P115 milyon ang halaga para sa maliliit na pagkukumpuni.
Nasa 52 paaralan ang ginawang evacuation center, at 239 silid-aralan ang sumisilong sa mahigit 1,000 pamilya.
Pinakamarami sa Calabarzon, 614 pamilya na sinundan ng Central Luzon, 336.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na inatasan niya ang mga paaralan na ipatupad ang emergency protocol at sistema ng DepEd para sa suspensyon ng klase at muling pagbubukas ng operasyon.
- Latest




















