Jolina at Marvin, nakisali sa nostalgia feels!

Ang lakas ng tawa ni Jolina Magdangal-Escueta nang pagreakin siya sa tsikang may mga nag-akalang magbi-VMX siya.
Ang sikat na director kasi ng VMX na si Roman Perez, Jr. ang may konsepto at siyang magdidirek ng balik-TV tambalan ng ‘90’s MarJo (Marvin Agustin-Jolina) loveteam sa TV5, ang Mommy Guard.
Agad namang sinakyan ito ni Jolens (palayaw ni Jolina) sabay nag-pose ng sexy. “Pwede naman!” sabay tawa ulit.
Pero happy si Jolina to be reunited also with Direk Roman na nakatrabaho niya noon sa ABS-CBN.
Happy siya sa success ni Direk, who rose from the ranks mula sa pagiging PA o production assistant.
Marahil ay gustong patunayan ni Direk na hindi lang siya pang-sexy genre at ang kanyang Pelikula Indiopendent production outfit ay kayang gumawa ng kahit anong genre. “Matagal na raw pala niya akong hinahanap,” nakangiting saad ng aktres na tila ‘di tumatanda kahit three years na lang ay golden girl na siya.
Kaya naman natanong din siya kung okay lang ba sa kanyang nagma-mommy role na siya ngayon sa mga bagong teen stars ng TV5.
Wala naman daw problema roon dahil kung nagkatuluyan sila ni Marvin noon or whoever, ay baka ganoong edad na rin ang mga anak nila. Nagkataon lang na late bloomer siya bilang nanay in real life. But just the same, feeling niya at makaka-relate pa rin siya bilang mom sa older kids.
“Mas matatangkad sila sa akin,” natatawang say niya. “At minsan kung mag-ayos sila parang gusto nila talagang dalagang-dalaga na... pero alam mo, kung titingnan ‘yung edad ko, ‘yon na dapat kasi, e. Kasi kung nag-asawa ako no’ng time dati... late na rin kasi ako nagkaanak kaya siguro gano’n.”
Anyway, uso ang nostalgia feels ngayon. Look at Sexbomb na may pa-world tour pa ngayon. Ang Bagets movie, ni-revive as musical ng Viva at The Philippine STAR at may kasunod pang Bongga Ka ‘Day!: The Annie Batungbakal Musical. Pati sina Pops Fernandez-Martin Nievera at Joey Albert, mabenta pa rin. Iba kasi talaga ang coolness at vibe ng ‘80s and ‘90s pop culture. Tumatatak.
At marahil doon nagba-bank ang TV5 kaya nila sinugalan ang pagbabalik-TV ng MarJo loveteam, ang isa sa pinakasikat na tandems ng ‘90s.
At mukha namang wagi ang project kung pagbabasehan ang nakakakilig at nakakatawang teaser ng Mommy Guard. May kilig pa rin ang kulitan ng dalawa kahit ilang dekada na ang lumipas.
Abangan na lang daw kung may matinding bed scene na sila this time.
Haha!
- Latest
























