Bodega sa Bulacan nasunog, 2 sugatan

MALOLOS CITY, Philippines — Dalawang katao ang nasugatan matapos tupukin ng apoy ang isang bodega sa Luwasan, Barangay Loma de Gato, Marilao, Bulacan, madaling araw nitong Biyernes.
Ayon kay Manuel Lukban Jr., provincial disaster risk reduction and management officer ng Bulacan, kabilang sa mga nasugatan sina John Que, na nagtamo ng first-degree burn sa kanang itaas na bahagi ng kanyang braso, at Jiar Carmona, na nagtamo rin ng first-degree burn sa kaliwang itaas na bahagi ng braso.
May kabuuang 700 square meters ang lawak ng bodega na pag-aari ng Quezon Land.
Naiulat ang insidente sa Marilao Fire Station dakong 12:30 ng madaling araw, kung saan umabot sa First Alarm ang sunog. Rumesponde sa lugar ang 12 fire truck at dalawang ambulansya.
Makalipas ang mahigit dalawang oras, idineklarang under control ang sunog dakong alas-2:38 ng madaling araw, bago tuluyang ideklarang fire out alas-4:30 ng madaling araw.
Tinatayang umabot sa P24.5 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga arson investigator upang matukoy ang sanhi ng sunog.
- Latest



















