NTF-ELCAC mas pinalakas para sa kapayapaan
MANILA, Philippines — Pinalakas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang koordinasyon ng pamahalaan at iba’t ibang sektor upang mapanatili ang mga tagumpay laban sa Communist Terrorist Group (CTG), matugunan ang mga kakulangan, at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo at kaunlaran sa mga komunidad.
Sa pagtatapos ng First Semester CY 2026 Accomplishment Reporting and Strategic Planning Workshop, sinabi ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairperson Eduardo S.L. Oban Jr. na nakasalalay sa sama-samang pananagutan ng lahat ng sektor ang tagumpay ng kampanya.
Binigyang-diin naman ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr. na kailangang maisalin sa konkretong aksyon ang mga plano upang mapalakas ang pagkakaisa laban sa umano’y mapanlinlang na taktika ng CTG.
Iniulat sa workshop na 4,368 dating rebelde ang nabigyan ng tulong pangkabuhayan, 10,687 indibidwal ang natulungan sa paghahanap ng trabaho at 2,398 ang sumailalim sa social case management bilang bahagi ng reintegrasyon.
Gayunman, tinukoy rin ang pangangailangan na paigtingin ang koordinasyon, pag-uulat, pondo, at pagpapatupad ng mga programa sa mga liblib na lugar.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa 18 Joint Regional Task Forces, 12 National Clusters, at iba pang katuwang na ahensya.
Binigyang-diin ng NTF-ELCAC na ang tunay na sukatan ng tagumpay ay ang pagbuti ng buhay ng mamamayan at pagpapanumbalik ng katatagan sa mga komunidad tungo sa pangmatagalang kapayapaan.
- Latest



















