I-audit ang MMDA sa bilyon ng NCR LGUs
Bilyon-bilyong piso ang dumadaloy mula sa 17 LGUs ng Metro Manila—16 cities at isang municipality, Pateros—patungo sa Metropolitan Manila Development Authority. Hindi ito ambagan. Mandato ito ng batas, buwan-buwan binabayaran, kaya panahon nang itanong: saan ginagastos ang pera?
Sa ilalim ng Republic Act No. 7924, bawat NCR LGU ay nag-aambag ng 5% ng annual gross revenue ng nakaraang taon, net of NTA o dating IRA. Regular na bahagi ito ng kita ng bawat LGU para pondohan ang metropolitan services.
Batay sa aking computation gamit ang 2024 revenue figures bilang basehan ng 2025 contribution, nasa humigit-kumulang ?7 bilyon ang maaaring kabuuang remittance ng 17 LGUs. Hindi ko sinasabing ito ang eksaktong nakolekta. Kaya dapat ilabas ng MMDA ang collections.
Ano ba ang trabaho ng MMDA? Saklaw ng mandato nito ang traffic management, flood control and sewerage, solid waste management, urban planning, public safety, health and sanitation, pollution control, at serbisyong may metro-wide impact. Malawak ang mandato, pero may hangganan.
Kasama ba ang flood control? Oo. Pero hindi sapat na tawaging “flood control” ang proyekto para maging tama. Dapat himayin ang halaga, procurement, contractor, lokasyon, accomplishment, at kung tunay na metro-wide ang benepisyo. Ganoon din sa gusali at capital projects.
Kung bilyon-bilyong piso ang pumapasok taon-taon, dapat may malinaw na public accounting: magkano ang natanggap mula sa bawat LGU, magkano ang ginastos, saan ginastos, sino ang contractor, at ano ang konkretong resulta? Hindi sapat ang general report; kailangan ang detalye.
At kung hindi kayang patunayan ng MMDA na mahusay nitong nagagamit ang pondong ito para sa metropolitan services, lehitimong itanong kung mas makabubuting manatili ang malaking bahagi nito sa LGUs. Mas alam ng local chief executives ang pangangailangan ng constituents.
Ito ang susunod nating hihimayin: collections, contracts, flood control, buildings at iba pang gastos. Hindi ito pag-aakusa; panawagan ito para sa transparency at accountability. Sa bilyon-bilyong perang galing sa 17 LGUs, dapat malinaw ang bawat piso. MMDA, saan napunta ang pera?
- Latest


















