US Marshals bibitbit kay Quiboloy

‘Pag naaprub extradition'
MANILA, Philippines — Posibleng ang United States Marshals ang kukuha kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sakaling maaprubahan ang extradition request ng Amerika, ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez nitong Biyernes.
“Most likely, US Marshals. Mayroon silang sariling eroplano at susunduin nila si Pastor Quiboloy at dadalhin sa lugar kung saan umano naganap ang krimen. In this case, baka sa Los Angeles,” pahayag ni Romualdez.
Ipinaliwanag niya na “gobyerno sa gobyerno” ang proseso ng extradition. Ang kahilingan ng US State Department ay ipinadala sa Department of Foreign Affairs (DFA), na siya namang nagpasa sa Department of Justice (DOJ). Dagdag pa ni Romualdez, ang korte sa Pilipinas ang magpapasya kung paano uusad ang naturang kahilingan.
Sa kasalukuyan, may mga nakabinbin pang kaso si Quiboloy sa bansa at nakakulong sa Pasay City Jail. Inaresto siya matapos ang malawakang manhunt noong Setyembre 2024 kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
- Latest




















