Goitia: 5 kabaong, pahiwatig na ‘Tama na Yan’
MANILA, Philippines — Naniniwala ang makabayang grupo na malinaw ang mensahe sa misteryosong limang kabaong na ipinakalat sa Metro Manila—isang babala laban sa China at sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).
“Simbolo ng protesta,” ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, na iginiit na napuno na ang maraming Pilipino sa patuloy na panggigipit.
“Matagal nang sinusubok ng Tsina ang pasensya ng sambayanang Pilipino. Hinaharas ang ating mga mangingisda, hinahadlangan ang ating Coast Guard at Hukbong Dagat, at hinahamon ang ating karapatan sa kabila ng umiiral na arbitral ruling. Gayunman, diplomasya, pagpipigil, at paggalang sa pandaigdigang batas pa rin ang pinili ng Pilipinas,” ani Goitia.
Ayon sa kanya, hindi iisang pangyayari ang ugat ng lumalalim na galit ng publiko kundi ang sunud-sunod na pangha-harass ng Tsina sa West Philippine Sea at paulit-ulit na paghamon sa soberanya ng bansa.
Anuman ang tunay na layunin ng mga nag-iwan ng kabaong, giit ni Goitia, may isang katotohanang hindi na maaaring ipagsawalang-bahala: lumalakas ang panawagan ng sambayanan na “Tama na yan.”
- Latest


















