‘Kiyapo’ lumabas na ng PAR
MANILA, Philippines — Napanatili ng bagyong Kiyapo ang kanyang lakas habang patuloy na kumikilos palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) patungong Southern China.
Ayon sa PAGASA, alas-11 ng umaga kahapon ay huling namataan si Kiyapo sa layong 465 kilometro kanluran ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hanggang 150 kilometro bawat oras.
Inaasahang kikilos si Kiyapo sa pangkalahatang direksiyon ng hilagang-kanluran hanggang Linggo ng umaga patungong Southern Mainland China bago lumihis sa hilaga-hilagang kanluran. Patuloy pa itong lalakas sa susunod na 12 oras bago mag-landfall sa Southern China.
Dahil sa epekto ni Kiyapo, nakaranas ng pag-ulan ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao at Abra. Maulan din sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro bunsod ng Habagat.
Ngayong Linggo, inaasahang magiging maulan sa Pangasinan at Zambales dahil pa rin sa Habagat. Samantala, maaliwalas ang panahon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, maliban sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
- Latest



















