EDITORYAL — Dapat mabigat ang ebidensiya
SA ikawalong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, mas naging malinaw ang bigat ng Article IV: hindi na lang ito usapin ng masasakit na salita, galit na pahayag, o political drama. Ayon sa testimonya ni NBI Director Melvin Matibag, tinitingnan ng ahensiya ang umano’y banta laban kay President Ferdinand Marcos Jr. bilang seryoso, aktibo, at patuloy na banta na maaaring umabot sa usapin ng national security.
Mabigat ito. Kaya dapat mas lalong mabigat din ang ebidensiya. Kapag ang paratang ay grave threats at posibleng banta sa pambansang seguridad, hindi puwedeng puro hinala, koneksiyon, o emosyon ang batayan. Dapat maipakita kung bakit ito higit pa sa padalus-dalos na pahayag.
May punto ang prosecution sa pagsasabing hindi dapat balewalain ang anumang banta laban sa Presidente, First Lady, o sinumang opisyal ng gobyerno. Sa isang bansang madaling uminit ang pulitika, delikado ang mga salitang maaaring mag-udyok ng karahasan.
Hindi maliit na bagay na sinabi ng NBI na may mga persons of interest na kaugnay ng umano’y plot. Hindi rin maliit na bagay na isinama sa pagsusuri ang kapasidad, network, motibo, at epekto ng mga pahayag. Pero habang lumalalim ang alegasyon, mas tumataas din ang obligasyon ng prosecution na magpakita ng ebidensiyang malinaw, beripikado, at kayang salain sa impeachment court.
May punto rin ang depensa sa pagkuwestiyon sa ilang dokumento at testimonya na maaaring hearsay o hindi pa nasusuri nang maayos sa korte. Hindi porke ginagamit ng NBI bilang lead sa imbestigasyon ay awtomatiko na itong matibay na ebidensiya sa impeachment court. Magkaiba ang lead sa investigation at ebidensiyang dapat pagbatayan ng hatol.
Tama ang pag-iingat ng impeachment court sa mga dokumentong hindi pa nasusuri nang buo. Maaaring gamitin ng NBI ang isang affidavit o open-source material bilang lead sa imbestigasyon, pero ibang usapin kapag ito na ang ihaharap sa impeachment court. Hindi dapat malito ang publiko: ang lead ay hindi pa hatol, at ang hearsay ay hindi dapat gawing pundasyon ng mabigat na paratang.
Sa impeachment, hindi lang ang Vice President ang sinusubok. Sinusubok din ang Senado. Kaya ba nitong timbangin ang national security nang hindi isinasantabi ang due process? Kaya ba nitong pakinggan ang seryosong alegasyon nang hindi nagpapadala sa drama? Kaya ba nitong salain ang ebidensiya mula sa ingay?
Dapat seryosohin ang anumang banta laban sa Pangulo. Pero ang bigat ng alegasyon ay hindi lisensiya para luwagan ang pamantayan ng ebidensiya. Sa kabaliktaran, habang bumibigat ang paratang, lalong dapat tumibay ang batayan.
Hindi sapat na mabigat ang akusasyon. Dapat mabigat din ang ebidensiya.
- Latest
















