DepEd nagsagawa ng nationwide active threat drills
Angara pinangunahan National Safe Schools Summit
MANILA, Philippines — Sinimulan kahapon ng Department of Education (DepEd) ang sabayang active threat simulation drills sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, kasabay ng paglulunsad ng National Safe Schools Summit sa Manila Science High School na pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara.
Lumahok sa aktibidad ang mga mag-aaral, guro, school staff, at lokal na awtoridad sa synchronized lockout, lockdown, at rapid evacuation simulations na layong tiyakin ang mabilis at organisadong tugon sa posibleng aktibong banta.
Inatasan ni Angara ang lahat ng pampublikong paaralan na bumuo ng active threat response plans na angkop sa kani-kanilang kapaligiran. “This fight is not DepEd’s fight alone; it is a challenge we must face together,” aniya, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng suporta mula sa mga magulang, pamilya, komunidad, LGUs, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ang inisyatiba ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglatag ng protective measures sa mga paaralan matapos ang serye ng karahasan sa ilang campus.
Sa isinagawang drill, nagpraktis ang mga guro at estudyante ng lockdown procedures, kabilang ang pagsasara at pagbabarikada ng mga pinto at bintana, pagpapatay ng ilaw, at pag-silent ng mga devices. Sa oras ng ligtas na paglikas, ginabayan ng mga guro ang mga mag-aaral patungo sa school reunification zone.
Sa Summit, tinipon ng DepEd ang mga key stakeholders upang pag-isahin ang campus security strategies, palakasin ang inter-agency collaboration, at magdaos ng karagdagang threat simulation drills. “We can no longer allow security threats to place the lives of our learners in harm’s way,” ani Angara. “Mahalaga na handa tayo sa pagharap sa anumang banta.”
- Latest





















