SUV driver sa hit-and-run sa Mandaluyong kinasuhan

MANILA, Philippines — Kinasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide, serious physical injury at damage to property sa Mandaluyong Prosecutors Office ang driver ng SUV na naka-hit-and-run sa isang babaeng angkas at rider nito nitong Biyernes sa Ortigas Ave. Mandaluyong City.
Dead-on-the-spot ang babaeng angkas na tumilapon habang sugatan naman ang rider matapos salpukin ng isang kulay puting Land Cruiser at may sticker ng House of Representatives.
Subalit ayon naman kay House Secretary General Cheloy Garafil, lumabas sa beripikasyon ng Land Transportation Office (LTO) na hindi miyembro ng Kamara ang rehistradong may-ari ng Toyota Land Cruiser. Wala rin aniyang nakatala na nabigyan ang nasabing sasakyan ng vehicle pass sa ika-19 at ika-20 Kongreso.
Samantala, sinuspinde na ng LTO ng 90 araw ang lisensiya ng 20-anyos na driver ng SUV.
Nauna nang naglabas ang LTO ng show-cause order laban sa rehistradong may-ari at driver ng SUV dahil sa posibleng paglabag tulad ng Tampering of Authorized Motor Vehicle License Plates, Reckless Driving, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
- Latest


















