Mga krusyal na batas tuloy sa gitna ng impeach trial
MANILA, Philippines — Ang pagiging Senator-Judge sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi dapat maging hadlang sa pagpasa ng mga mahahalagang batas na magpapababa sa presyo ng mga bilihin, magpapabilis sa tulong ng gobyerno, at magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Ito ang mariing pahayag ni Sen. Erwin Tulfo habang naghahanda ang Senado para sa paglilitis ng ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
“Kinikilala natin ang ating mandatao sa ilalim ng Saligang Batas na maging patas na hurado sa impeachment trial na ito. Ngunit ang katotohanan, hindi puwedeng i-hold ang pang-araw-araw na paghihirap ng milyun-milyong Pilipino dahil sa nagtataasang presyo ng pagkain, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, at mga isyu sa seguridad,” ani Tulfo.
Bagamat inaasahang kukuha ng malaking oras sa schedule ng Senado ang paglilitis, tiniyak ni Tulfo na patuloy niyang isusulong ang kanyang mga priority bills. Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, Amendments to the Oil Deregulation Law, ang paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, at ang malawakang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.
“Sa talamak na krimen na kinasasangkutan ng mga menor-de-edad, kailangan din ng agarang rebyu sa ating juvenile justice at anti-bullying laws. Sa madaling salita, hindi hihinto ang trabaho para sa bansa dahil lang sa isang paglilitis,” dagdag pa ng bagitong Senador.
- Latest




















