^

PSN Opinyon

Isang taon sa puwesto: Nasaan ang resulta?

ON POINT - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Isang taon sa puwesto ay sapat na. Sapat para magtanong ang botante, at sapat para sumagot ang opisyal. Tapos na ang kampanya, kupas na ang tarpaulin, patay na ang slogan. Ang natitirang tanong ay simple, mabigat, at patas: nasaan ang resulta?

Ang puwesto sa gobyerno ay hindi tropeo, pamana ng pamilya, pribilehiyo ng sikat, o gantimpala sa ambisyon. Ito ay tiwalang-bayan na binabayaran ng buwis ng mamamayan. Bawat alkalde, gobernador, kongresista, at lokal na opis­yal ay dapat magpakita ngayon ng aktuwal na naihatid, hindi lamang inanunsyo, ipinangako, o ipinost.

Huwag magtago sa ribbon-cutting, edited videos, tar­paulin­, at State of the City, Provincial, o District Address na puro ligtas na salita. Hindi political theater ang kailangan ng tao. Ka­ilangan nila ng malinis na kalsada, ligtas na komunidad, serbis­yong pangkalusugan, mabilis na aksyon, tapat na paggastos, at repormang ramdam sa lupa.

Tanungin natin ang mga botante: alam ba ninyo ang plano ng inyong lokal na opisyal? Alam ba ninyo ang prayoridad nila? Kung hindi, may kabiguan. Maaaring hindi sapat ang ginagawa para maramdaman, o bagsak ang communications team sa pagpapaliwanag ng pamamahala. Sa pare­hong dahilan, talo ang mamamayan.

Dito mahalaga ang data-driven governance. Ang per­for­mance ay hindi sinusukat sa palakpak ng loyalista, baya­rang papuri, staged crowd, o matatamis na komento sa social media. Dapat itong sukatin sa tiwala, serbisyo, transparency, res­ponsiveness, at public satisfaction. Mahalaga ang numero dahil inilalantad nito ang tinatakpan ng propaganda.

Mahalaga ang independent groups tulad ng RPMD dahil nagbibigay sila ng feedback sa labas ng city hall, kapitolyo, at kampo pulitika. Sinusukat nila ang dapat marinig ng opisyal, hindi lang ang gusto nitong marinig. Ang survey ay salamin. “Do not attack the mirror because you dislike your reflection.” Ayusin ang nakikita.

Sa mga bagitong opisyal, hindi dahilan ang pagiging bago. Ang public office ay hindi on-the-job training. Kapag mahusay ang team, malinaw ang target, at nasa ground ang lider, may maihahatid. Ang mababang rating ay babala, hindi atake. Matiisin ang botante, pero hindi bulag. Popularity ang panalo sa eleksyon; performance ang magtatanggol sa kapangyarihan. Mag-ingat: nanonood, sumusukat, at nagtatanda ang bayan hanggang sa susunod na hatol ng balota.

DISTRICT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with