BOC ipapatawag ng Senado sa fuel smuggling
MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Erwin Tulfo sa mga opisyal ng Bureau of Customs na humarap sa pagdinig ng Senado para masagot ang umano’y paglala ng mga insidente ng smuggling ng oil products sa bansa.
Ayon kay Tulfo na chairman ng Senate Committee on Energy, nais niyang masilip ang mga ulat ng fuel smuggling sa mga pantalan sa Cagayan de Oro, Cebu, at Batangas. Batay sa ulat ayon sa senador, kadalasang misdeclared ang dami ng langis na ipinapasok sa bansa para makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis. Kasabwat aniya sa kalakaran ang ilang Customs personnel.
Ani Tulfo, ang taxes at duties na dapat sana ay binabayaran ng tama ng mga importer ng langis ay naipapasa sa mga consumer sa pamamagitan ng binabayaran nilang value-added tax at excise tax. Bukod sa BOC, iimbitahan din ng komite ang Department of Finance. Sa ngayon wala pang schedule kung kailan magpapatawag muli ng hearing ang komite. Target ng inquiry na suriin ang mga kalakaran sa pantalan na ayon kay Tulfo ay nagreresulta ng malaking kabawasan ng kita sa pamahalaan, unfair competition sa domestic fuel industry, at banta sa mga consumers.
Sa pagdinig noong araw ng Huwebes, July 2, sinabi rin ni Tulfo na gusto niyang i-review ang mga panukalang amyendahan ang Oil Deregulation Law na ayon sa senador ay outdated na at kailangan na ng revisions.
Taong 1998 pa ito naisabatas kung saan tinanggal ang kontrol ng gobyerno sa presyo ng langis at importation kaya naman malaya silang makapagtakda ng kanilang presyo. Sa panukalang pag-amyenda sa batas, bibigyan ng emergency pricing powers ang gobyerno para atasan ang mga kumpanya ng langis na ipakita ang kanilang price breakdown at para matugunan ang problema sa hoarding.
- Latest





















