Padilla binira, tanggap ‘unggoy’ video ng China

MANILA, Philippines — Isang malaking insulto umano sa 26 milyong Pilipino na bumoto kay Sen. Robin Padilla ang pagtanggap nito sa panunuya ng China na mga unggoy ang mga Pilipino, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela.
“Hindi po unggoy ang mga Pilipino. I believe it is an insult to the more than 26 million Filipinos who voted for you na tinanggap ninyo na unggoy tayo,” saad ni Tarriela na dismayado sa naging tugon ni Padilla.
Ang pahayag ay reaksyon sa Facebook post ng senador hinggil sa China Daily’s AI-generated video na nilibak ang mga Pinoy bilang unggoy. Sa naturang post, tila kinampihan pa ni Padilla ang China sa pagsasabing lahat ng tao ay unggoy na magkakaiba lang ng kulay. Mariin itong tinutulan ni Tarriela na iginiit na hindi dapat tanggapin ng mga Pilipino ang anumang pang-iinsulto sa kanilang lahi.
“As for the Chinese media, aren’t we all monkeys of different colors in the eyes of white colonizers/supremacists? Filipinos are brown, and Chinese and Japanese are yellow. We cannot deny our relativity to each other,” ani Padilla sa kanyang Facebook post. Kilala si Padilla bilang pro-China.
“Ako po, bilang Pilipino, ay hindi kailanman tatanggapin na unggoy ang aking lahi — at hindi ko rin matatanggap na unggoy ang mga susunod pang salinlahi ng ating bansa. Ang tunay na paggalang sa ating lahi ay ang ipagtanggol ito — hindi ang tanggapin ang pang-iinsulto!” giit ni Tarriela, na kilala sa katapangan sa pagtatanggol sa West Philippine Sea (WPS).
Samantala, pinalagan din ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang pang-iinsulto ng China laban sa mga Pinoy. Aniya, hindi pasisiil ang bansa sa maling naratibo at ipagpapatuloy ang pagdepensa sa karapatan ng Pilipinas sa loob ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ).
“This mockery of the lawful 2016 Arbitral Award and the video’s glorification of violence against the Filipino people and soldiers expose the moral and intellectual bankruptcy of China’s propaganda machine,” ani Teodoro, na binigyang-diin na panunuya sa legal na tagumpay ng Pilipinas ang naturang AI video.
- Latest




















