CIDG handa nang arestuhin si Marcoleta
MANILA, Philippines — Handa na ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na arestuhin si Sen. Rodante Marcoleta at iba pang opisyal ng pamahalaan sakaling maglabas ng kautusan ang korte.
Sinabi ni CIDG-National Capital Region (NCR) Director PCol. John Guiagui, bahagi ng mandato ng CIDG ang pagpapatupad ng mga utos ng korte at hindi sila mangingimi sa pagsisilbi ng warrant laban sa sinumang akusado, anuman ang posisyon nito sa pamahalaan.
Aminado si Guiagui na nangangailangan ng paghahanda ang PNP sa pag-aresto kay Marcoleta sa sandaling maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder upang matiyak ang maayos at ligtas na pagpapatupad ng kautusan.
Gayunman, nilinaw ni Guiagui na wala pa silang natatanggap na anumang bagong warrant of arrest laban sa sinumang mataas na opisyal ng gobyerno na may kinahaharap na kaso.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na nagpapatuloy ang manhunt operations ng CIDG laban sa mga indibidwal na may umiiral nang warrant of arrest kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control, hanggang sa sila ay maaresto at maiharap sa korte.
- Latest


















