Rene Baterbonia inilibing na
MANILA, Philippines — Inihatid na nitong Miyerkules sa kaniyang huling hantungan si Ateneo player Rene Clert “Bobet” Baterbonia sa sementeryo ng kanilang bayan sa Talacogon, Agusan del Sur.
Libu-libong tao ang pumila sa paligid ng bayan sa libing patungo sa bagong tatag na Barangay Labnig Memorial Cemetery, kung saan nagpaalam ang mga pamilya, kaibigan, at kamag-anak sa tinaguriang “Mr. Most Valuable Player (MVP)” ng Ateneo de Davao.
Hindi napigilan ng ina ni Rene na si Rovelyn ang muling mapaluha sa taos puso nitong pasasalamat sa lahat ng nagmamahal sa kaniyang anak na si Bobet sa panahon ng pagdadalamhati ng pamilya nito sa kaniyang maagang pagpanaw.
Si Baterbonia, 18, ay pumanaw noong Hunyo 8 kasama ang kanyang Ateneo de Manila University teammate na si Divine Adili mula Nigeria sa isang malagim na insidente ng pagkalunod sa team-building activity ng Blue Eagles sa Dipaculao, Aurora.
Kadarating lamang niya sa Maynila noong linggong iyon matapos ang kanyang pagtatapos sa senior high school sa Ateneo de Davao, kung saan pinangunahan niya ang koponan sa maraming panalo sa rehiyon kabilang ang kauna-unahang Palarong Pambansa title ng Davao Region noong 2025 sa Laoag, kung saan siya itinanghal na MVP.
Samantala, ipinasa ng Talacogon ang isang ordinansa na nagdedeklara sa Hunyo 8 bilang “Rene Clert ‘Bobet’ N. Baterbonia Day” bilang pagkilala sa kanyang pamana at kontribusyon sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng sports.
Pinangalanan din ng Ateneo de Davao ang kanilang Senior High School courts bilang “Rene Bobet Baterbonia Covered Courts”.
- Latest




















