Presyo ng diesel at kerosina, P11/L Big-time rollback

MANILA, Philippines — Inianunsiyo ni Energy Secretary Sharon Garin kahapon na sa kabila nang muling pagsasara ng Strait of Hormuz, inaasahan pa ring magkakaroon nang pagbaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ngayong linggong ito.
Ayon kay Garin, pinakamalaki ang magiging pagbaba sa presyo ng kerosina na inaasahang aabot ng mula P9.82 hanggang P11.82 kada litro.
Malaki rin naman ang magiging tapyas sa presyo ng diesel na tinatayang nasa P9.04 hanggang P11.04 kada litro.
Samantala, ang presyo naman ng gasolina, ay inaasahang mababawasan din ng mula P3.90 hanggang P5.90 kada litro.
Una nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na ang presyo ng langis ay inaasahang bababa kasunod ng anunsiyo na lumagda na ng kasunduang pangkapayapaan ang mga bansang Estados Unidos at Iran.
Gayunman, nitong Linggo ay muling isinara ng Iran ang Strait of Hormuz matapos na atakihin ng Israel ang Lebanon, at tinawag ang pag-atake na isang paglabag sa kanilang kasunduan sa Estados Unidos.
Ang pinal na paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay iniaanunsiyo ng DOE at ng mga kumpanya ng langis tuwing araw ng Lunes at ipinaiiral naman tuwing araw ng Martes.
- Latest






















