^

Punto Mo

EDITORYAL - Pera ng bayan nasayang sa loob ng 28 araw!

Pang-masa

NAIBALIK na ang katiwasayan at normalidad sa Senado makaraang maluklok si Sen. Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President. Mabilis na kumilos ang bagong liderato. Binalasa ang mga komite at ipinasa ang pondo para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao ganundin ang mga nabimbin na pag-apruba sa mga panukalang batas.

Habang mabilis na lumilikha ng naratibo ang mga mambabatas tungkol sa “healing” at “moving on,” may malaking numero ang hindi dapat hayaang mabaon sa limot ng taumbayan. Ito ang P700 milyon na nasayang sa pamumuno ni dating Senate President Alan Peter Cayetano.

Ang nasabing pera ng bayan ay nagastos sa loob lamang ng 28-araw. Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson­, ang pondong ito ay walang ibinunga kundi anar­kiya, pambuboykot sa sesyon, at mga pekeng pagdinig.

Ngunit ang pinakamatinding sampal sa mukha sa bansa ay ang opisyal na konklusyon ng Department of Justice (DOJ). Pinasinungalingan ng DOJ ang madramang pahayag noon ni Cayetano na ang Senado ay “under attack” noong gabi ng May 13. Lumabas sa imbestigasyon na ang pagpapaputok laban sa mga ahente ng NBI ay walang basehan at hindi makatwiran.

Ang naganap na barilan ay “orchestrated scheme” upang itakas si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa mula sa warrant ng International Criminal Court (ICC). Ang gawing kanlungan ng isang pugante ang Senado, gamit ang pera at armas na pinondohan ng buwis ng mamamayan, ay pambansang kapinsalaan.

Sa halip na humingi ng paumanhin, nagawa pa nina Cayetano at ng kanyang walong kaalyado—kabilang ang nakakulong na si Jinggoy Estrada—na dumulog sa Supreme Court upang ipawalambisa ang bagong liderato. Tahasan nilang idinikit ang kanilang petisyon sa napipintong impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, at pinalalabas na ang pagpapatalsik sa kanila ay maniobra ng Malacañang. Isang desperadong “dirty trick,” sabi ni Lacson.

Katunayan, sa pag-upo ni Gatchalian na may dalang­ 13 solidong boto, nawalan na ng saysay o naging “moot and academic” ang kanilang inihahaing reklamo.

Ang demokrasya ay may bayad, ngunit hindi binabayaran ng mga Pilipino ang kanilang buwis para sa isang sirkus. Ang tunay na paghilom ng Senado ay hindi makakamit sa simpleng pagpapalitan ng upuan sa komite. Ang bagong tatag na Rules at Ethics Committee ay may moral na obligasyong papanagutin at kasuhan ang mga mambabatas na naging utak sa pagtakas ng isang wanted, at singilin ang mga umabuso sa kaban­ ng bayan. Ang “moving on” na walang hustisya ay hindi kapayapaan, kundi pakikipagsabwatan sa mga lumabag sa batas. Huwag kalimutan ang malaking pera ng bayan, na nagastos sa walang kapararakan!

GATCHALIAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with