^

PSN Opinyon

‘Doc Fairy Nose’, tuloy ang iligal na raket’

GO NORTH - Artemio Dumlao - Pilipino Star Ngayon

Namatay ang isang 24-anyos na online seller sa Batangas matapos sumailalim sa cosmetic procedures na arm liposuction at breast augmentation sa isang aesthetic clinic ni “Doc Fairy Nose”.

Ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay hypovolemic shock at disseminated intravascular coagulation na kom­plikasyong may kinalaman sa matinding pagdurugo at abnormal na pamumuo ng dugo.

Ang pangyayari ay hindi lamang tungkol sa isang buhay na nawala, kundi ang  katanungang — sapat ba ang pagba­bantay ng mga ahensiya ng gobyerno sa lumalawak na industriya ng cosmetic enhancement?

Dumarami ang mga aesthetic clinic, beauty center at wellness spa na nag-aalok ng iba’t ibang uri ng cosmetic pro­cedures. Sa social media pa lamang, kaliwa’t kanan ang mga advertisement ng nose enhancement, liposuction, fillers, breast augmentation at iba pang serbisyong nangangako ng instant transformation.

Sa kabila nito’y, mahigpit ba ang pagmo-monitor sa mga aesthetic clinic, beauty center at wellness spa? Ilan ang may kaukulang lisensiya? Ilan ang regular na iniinspeksiyon? At ilan ang nakalulusot kahit may mga reklamo nang naitatala laban sa kanila?

Nakakabahala ang insidenteng kinasangkutan ni “Doc Fairy Nose” kahit nauwi pa ito sa areglo. Kapag may namatay o napinsala at nagkaroon ng pribadong kasunduan, tila nawawala rin ang pagkakataong mabusisi ng publiko kung may mga paglabag at dapat papanagutin. Kaya nagpapatuloy ang operasyon, habang nananatiling nalalagay sa bingit ng alanganin ang mga mabibiktima pa.

Dalawa ang clinic ni “Doc Fairy Nose”, isa sa Batangas at isa sa Quezon City. Tiyak napakaraming kliyente na ang dumaan at daraan pa sa samu’t-saring procedures ng klinika.

Hindi sapat na sabihin na may proseso ang mga regu­latory body. Ang tunay na sukatan ay kung may nakikitang aksiyon ang taumbayan. Kung may mga alegasyon ng iligal o hindi awtorisadong operasyon, dapat itong masusing imbestigahan at pagpanagutin. Dahil kung may paglabag, dapat lamang na may kaukulang parusa.

Ang pagkamatay ng kliyente ni “Doc Fairy Nose” ay hindi dapat mauwing estadistika lamang, kundi magsilbing wake-up call sa Department of Health, Professional Regulation Commission at mga lokal na pamahalaan upang tiyaking ligtas ang bawat klinikang nag-aalok ng mga serbisyong may direktang epekto sa buhay at kalusugan ng tao.

Hangga’t walang malinaw na pagtitiyak ng pamahalaan na ginagampanan nito ang tungkuling tunay na pangalagahan ang kapakananan ng publiko, mananatiling buhay ang hinalang may mga operasyon na nakalulusot sa butas ng regulasyon at maaaring may iba pang mabibiktima si “Doc Fairy Nose”.

* * *

 

Para sa komento: [email protected]

COSMETIC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with