Walang sikreto ang hindi nabubunyag
Nagbigay muli ng mga pasabog ang “Brave 18” na mga dating sundalo (ex-Marines/ex-bodyguards) sa isang events place sa Mandaluyong City na kung saan ay kanilang ikinanta ang mga kilalang personalidad na kanila umanong hinatiran ng maleta na naglalaman ng umano’y bilyun-bilyong pisong kickback mula sa mga flood control projects.
Sa kanilang mga pahayag, sila mismo ang nagsilbing bantay at tagapagdala ng daan-daang bilyong piso sa mga kilalang personalidad.
Ang mga ikinanta nila na mga personalidad ay nagsipalagan at pumalag sa akusasyon at nagbanta na magsasampa ng demanda habang ang iba na una nang pinangalanan ay nakapagsampa na ng kaso sa korte.
Ngunit gaya ng inaasahan, hindi ito naging simpleng kuwento. Marami ang nagtataas ng kilay at humihingi ng matibay na ebidensya. Ayon sa Philippine Navy, apat sa 18 ang lumabas na hindi kailanman naging miyembro ng kanilang hanay o ng Philippine Marines.
Mas naging maugong ang balita nang ibunyag ng NBI na may impormasyong tumanggap umano ng 5 milyong piso ang grupo kapalit ng pagtestigo at pinangalanan pa sa imbestigasyon si dating cong. Mike Defensor na mariin itinanggi ng grupo na sila ay tumanggap umano ng milyun-milyong piso para lamang tumestigo.
Dahil sa bigat ng mga akusasyon, inatasan na ng Ombudsman ang NBI at ang DOJ na silbihan sila ng subpoena at piliting magsumite ng kaniya-kaniyang affidavit na nakabatay sa personal na kaalaman.
Sa batas, ang “hearsay” o sabi-sabi ay hindi tatayong ebidensya na kailangan nilang patunayan kung paano, kailan, at saan eksakto nangyari ang mga sinasabing abutan ng pera.
Dalawang mukha ang nakikita ng bayan sa ganitong usapin na ang una ay ang matapang na pagbubunyag ng korapsyon na matagal nang pangarap ng taumbayan na masugpo.
Ikalawa ay ang panganib na gamitin lamang sila bilang instrumento ng paninira ng mga kalaban sa pulitika.
Sa bandang huli, ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa atin sa ganitong uri ng laro. Subalit, kailangan ding dumaan sa butas ng karayom ang mga alegasyon upang hindi masira ang dignidad ng sinuman nang walang sapat na batayan.
Ang epekto nito sa publiko ay hinahati nito ang mga tao dahil may mga naniniwalang sila ay lehitimong “whistleblowers” na natatakot sa kanilang buhay, habang ang iba ay naghihinala na sila ay bahagi ng binabayarang demolition job o panloloko.
Dapat magsilbi itong babala sa mga nasa kapangyarihan na walang sikreto ang hindi nabubunyag.
- Latest
















