Palasyo, Kamara binati si Senate President Gatchalian
Senado makakapag-pokus na sa trabaho
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagbati ang Malakanyang sa pagkakahalal ni Sen. Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President matapos ang ilang linggong leadership deadlock.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, pinapahatid ng Palasyo ang pagbati sa bagong halal na Senate President.
“Alam natin ang hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. —mabilis at maayos na pagliingkod para sa taumbayan. Ang mga priority legislative bills ay dapat nang maisabatas para lalo pang mapagtibay at mapalawak ang tulong ng pamahalaan sa ating mga kababayan,” saad pa ni Castro.
Samantala, ikinatuwa rin ng liderato ng Kamara ang pagluklok kay Gatchalian bilang Senate President. Sinabi ni House Majority leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, na ang pagkakahalal kay Gatchalian ay magbibigay ng pagkakataon sa Senado na malampasan ang alitan sa pamunuan at muling pagtuunan ng pansin ang mga nakabinbing gawain. Handa umano ang Kamara na makatrabaho ang Senado sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian. Inilarawan din niya si Gatchalian na isang “level-headed” na mambabatas.
“On behalf of the House, we would like to congratulate Senate President Sherwin Gatchalian. We look forward to working with him,” saad pa ni Marcos.
Aniya, ang pagkakahalal kay Gatchalian ay nagbibigay ng pagkakataon sa Senado na makausad mula sa ilang linggong tensyon sa liderato ng Senado na nakaapekto sa kanilang trabaho.
Ang ugali at istilo aniya ng pamumuno ng bagong Senate president ay angkop para maibalik ang katatagan at pokus sa institusyon.
Ayon pa sa Majority leader, marami pang usaping kailangang aksyunan ng Kongreso sa panahon ng espesyal na ipinatawag ni Pangulong Marcos kahit naipasa na ng Kamara ang marami sa mga prayoridad na panukala ng administrasyon.
- Latest




















