Baon sa eskuwela sukatan ng buhay?
Tuwing pasukan, isa sa mga unang iniisip ng mga magulang bukod sa uniporme, bag, kuwaderno at iba pang gamit sa paaralan ang baon ng kanilang mga anak. Kasama ito sa araw-araw nilang gastusin. Para sa marami, simpleng bahagi lamang ito ng pag-aaral. Ngunit kapag pinag-isipan, ang baon ay tila isa ring maliit na salamin ng mas malaking realidad ng buhay.
Hindi malinaw kung kailan eksaktong nagsimula ang tradisyon ng pagbibigay ng baon sa mga estudyante. Gayunman, sa napakahabang panahon, naging bahagi na ito ng kultura ng pagpasok sa eskuwela. Mula kindergarten hanggang kolehiyo, karaniwang may dalang pagkain o perang pambili ng pagkain ang mga mag-aaral upang hindi sila magutom habang nasa klase.
Sa murang edad pa lamang, natututuhan na ng mga bata ang kahalagahan ng pagkain sa oras ng recess. Nakasiksik sa kanilang bag ang sandwich, tinapay, biskuwit, kanin at ulam, water container o kaya’y ilang baryang pambili sa kantina. Para sa mga magulang, isa itong simpleng paraan ng pag-aalaga sa kanilang mga anak.
Ngunit, sa oras ng recess, nakikita na ng mga bata ang pagkakaiba-iba ng kalagayan ng tao sa buhay. May kaeskuwela silang may dalang mamahaling pagkain, imported na tsokolate o sapat na perang pambili ng anumang gusto niya sa kantina. Mayroon namang pandesal lamang ang baon. Ang iba ay tubig lang ang dala. At mayroon ding walang anumang baon.
Sa simpleng eksena ng pagkain kasama ang mga kaklase, unti-unti na nilang nasasaksihan ang mga realidad na ito. Masakit isipin ang batang tahimik na nakaupo sa isang sulok habang kumakain ang kanyang mga kaklase. Ang ilan ay nagkukunwaring hindi gutom o naglalakad-lakad lamang habang hinihintay na matapos ang recess. Sa murang edad, maaari na silang makaranas ng hiya, inggit o pakiramdam na sila ay naiiba.
Pero marami ring mga batang likas na marunong magbahagi. May mga kusang naghahati ng kanilang sandwich, kendi o biskuwit sa kaklaseng walang makain. Natututuhan nila ang malasakit, pagkakawanggawa at pakikipagkapwa-tao.
Marahil ito ang isa sa pinakamahalagang aral na natututuhan ng mga bata sa paaralan kahit hindi kasama sa anumang asignatura. Natututuhan nilang may mga taong mas nakararami sa buhay at mayroon ding mas kapos. Hindi lahat ng kaklase ay may parehong pagkakataon at kakayahan.
Hindi naman sukatan ng talino, sipag o kinabukasan ang baon. Maraming batang lumaking kapos sa baon ngunit nakatapos ng pag-aaral at naging matagumpay sa kanilang napiling propesyon. Marami ring nagtiis ng gutom at kakulangan ngunit hindi sumuko sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Kapag tumunog ang kampana para sa recess, hindi lamang pagkain ang inilalabas ng mga bata mula sa kanilang mga bag. Lumalabas din ang mga unang aral nila tungkol sa pagkakapantay-pantay, kahirapan, pagkakaibigan at pagkatao mga aral na maaaring mas tumatak pa sa kanila kaysa sa anumang leksiyong mababasa sa loob ng aklat.
••••
Email-[email protected]
- Latest















