Alas Women laglag sa medal match
CANDON CITY, Ilocos Sur, Philippines — Nalusaw ang asam na makapasok sa semifinals ang Alas Pilipinas matapos nilang yumuko sa tigasing Chinese Taipei, 16-25, 14-25, 10-25, sa 2026 Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup na nilaro sa Candon City Arena dito.
Ibinigay ng Alas Pilipinas ang buong lakas pero hindi umubra sa mabibilis at matitikas na Taiwanese netters, kaya naman nalaglag ang host country sa classification stage na magsisimula bukas, (Sabado).
Winalis ng Chinese Taipei ang Alas Pilipinas sa tatlong sets para malasap ang pangatlong talo sa limang laro sa Pool A sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, FIVB, Volleyball World, AVC, POC at ng City of Candon sa pamumuno ni Mayor Mayor Eric D. Singson.
Walang naka-iskor ng double figures sa Pinay netters, nagtala si Alyssa Solomon ng six points mula sa limang attacks at isang block habang tig-tatlong puntos ang inambag nina Ces Molina at Nina Ytang.
Hindi naman nawawalan ng pag-asa si Alas Pilipinas head coach Shaq Delos Santos, alam niyang babawi ang kanilang koponan dahil sa experience na makukuha ng kanyang mga bataan sa nasabing tournament.
Nalimitahan si team captain Alyssa Valdez sa dalawang puntos, kapareho nina Thea Gagate at Ara Galang, tig-isa naman ang kinana nina Kyle Angela Negrito, Jovelyn Gonzaga at Honey Royse Tubino.
- Latest




















